Pitong Pangako Para sa Pasyente

10.31.2018

12:57 A.M.

Siguro kung ang pagiging lehitimong doktor ay maituturing sa pagpasok sa langit, nasa purgatoryo ako ngayon. Tulad ng napapanahong pelikulang hindi ko pa napapanood, nasa Hintayan ng Langit ako ngayon. Tatlong araw matapos ang Board Exam na hahatol ng kapalaran ko, narito ako ngayon sa purgatoryo ng pagdo-doktor at nagmumuni-muni sa kung handa na nga ba ako tumawid sa kabilang buhay.

Kanina ay nag-apply ako para sa SSS Number at tinanong ako kung ano raw ang trabaho ko. Wala akong naisagot. Sa puntong ito, doktor na nga ba ako? Hindi rin naman na ako estudyante dahil nakatapos na ako ng kurso ng Medisina. Hindi na rin naman ako intern ng kahit anumang ospital. Ilang buwan na rin naman akong hindi tinatanggap ang diskwentong pang-estudyante dahil hiyang-hiya na ako na higit dalawang dekada na akong nakikinabang dito. Sa ngayon, isa lang akong regular na unemployed.

Hindi ko rin alam kung kailan ko ma-i-po-post itong akdang ito. Paano kung hindi naman pala ako nakapasa? Nakakahiya naman at ipinamalita ko pang kumuha ako ng Board Exam tapos hindi naman pala maganda ang resulta. Paano kung mananatili na lang pala talaga ako sa purgatoryong ito na parang isang multong may mga hindi pa natapos na misyon sa lupa? Mayroon sigurong isang libo at isang dahilan para hindi pumasa pero may isang mahalagang rason kung bakit mas matibay ang paniniwala kong ilang oras na lang ay totoo nang hahaba ang pangalan ko: binigay ko ang bawat enerhiyang nananalaytay sa akin sa apat na araw na ‘yun. Lahat-lahat.

At kung sakaling makita ko na nga ang pangalan ko sa listahang ‘yun, doktor na nga ba ako? Sabi sa amin ay mayroon kaming mararamdamang malaking pagbabago sa oras na maging ganap na doktor na nga kami. Pero kapag inisip mo, pareho lang naman ang laman ng utak mo kahapong hindi ka pa naitatanghal na pasado at ngayong may tunay na ebidensya ka na. Ano nga ba ang magbabago?

Sa totoo lang ay wala akong ideya kung ano ba ang nilalaman ng Hippratic Oath. Ang alam ko lang ay lagi itong isinasampal sa mukha ng mga doktor sa tuwing nahahanapan sila ng mga kamalian. “Nanumpa kayo sa Diyos!” Lagi ko ‘yang nababasa sa bawat Doctor-shaming post na bumabatikos sa mga doktor. Ngunit alam nga ba nila kung ano ang mga sinumpaan ng mga doktor? Sa totoo lang ay nakatatakot isipin ang bigat ng responsibilidad na papasanin namin. Habang hindi pa dumadating ang oras ng Oath-taking, hayaan niyo akong isulat ang sarili kong mga pangako sa mga magiging pasyente ko.

UNANG PANGAKO- Magpapakatao ako.

Dahil ang larangan ng Medisina ay direktang nakaliligtas o nakape-peligro ng buhay ng tao kaya naman hindi nakabibigla kung bakit maraming nagsasabing superhero o halimaw ang mga doktor. Laging nalilimutan ang napakahalagang detalyeng tao lang ang doktor. Kaya naman para sa akin, napakahalagang ipaalala sa mga pasyente ang bagay na ito. Ipinapangako ko sa magiging pasyente ko na hindi ko malilimutan ang mga obligasyon ko sa sarili bilang tao– kumain nang tama (kung hindi man sa tamang oras), magpahinga kung kinakailangan, dumama, ngumiti at umiyak sa mga tamang pagkakataon, at higit sa lahat, igagalang ang sarili kong mga prinsipyo. Naniniwala ako na para makatulong at makagaling ng tao, ang pinakamahalagang bagay ay ang malalim na pang-unawa. At wala ng hihigit pang paraan upang maunawaan ang ibang tao kung hindi maging tao rin tayo.

PANGALAWANG PANGAKO – Lagi Akong Makikinig.

Sa totoo lang ay nakapapagod ang isang magdamag na duty na paulit-ulit kang kinukulit ng mga pasyente at mga bantay nila. Mas madali talagang huwag silang pakinggan at gawin mo ang tingin mong dapat gawin mo. Pero hindi natin dapat balewalain ang kapangyarihan ng pakikinig. Minsan ang mga bagay na hindi natin maintindihan ay hindi dahil kulang ang ating kaalaman ngunit dahil sinara na natin ang mga tainga. Ang pagpapagaling ng tao ay isang teamwork, at ang pinakamahalagang ambag ng mga pasyente at pamilya nila ay ang kanilang mga kuwento. Hinding-hindi natin dapat ito isa-walang bahala.

PANGATLONG PANGAKO – Hindi Ako Mapapagod Matuto.

Kung ang karera ng buhay ay nakadepende sa tagal mag-aral, paniguradong mananalo ang mga doktor. Laging sinasabi sa amin dati na kung hindi kami mahilig mag-aral, huwag na naming ituloy ito. Sa totoo lang ay hindi naman ako magaling na estudyante, hindi ako huwaran. Ang sigurado lang ako ay lagi akong nananabik na may matutunan araw-araw. Isang malalim na agham at sining ang Medisina. Ang kapalaran niya ay maging progresibo at makakamit lamang ito kung patuloy siyang pag-aaralan at isasapuso.

PANG-APAT NA PANGAKO – Laging Igagalang ang Pasyente.

Isa sa pinakagusto kong bagay sa Medisina ay ‘yung pagkilos nang hindi mahalaga kung sino ang pasyente. Bawat tao na isusugod sa ER ay hindi mo kinakailangang malaman ang estado ng buhay. Napakahalaga para sa akin ng paggalang hindi lamang sa anyo o pananalita kung hindi sa mismong buhay. Kaya gusto kong ipangakong hindi man ako sasang-ayon sa maraming bagay sa mga paniniwala o desisyon ng pasyente ay igagalang ko siya at higit na mahalaga ay ipaaalala ko na dapat din niyang igalang ang iba.

PANLIMANG PANGAKO – Hindi Ako Mahihiyang Humingi ng Tulong.

Tulad nga ng sinabi ko, isang teamwork ang Medisina. Hindi mapagta-tagumpayan ang anumang sakit kung one-man team lang ito. Nalulungkot ako minsan kapag nakikita ko ang ibang mga manggagamot na hirap na hirap humigi ng tulong dahil sa pride. Sabi nga nila, hindi mo makakain ‘yun. Hindi lang sa kapwa doktor, humingi tayo ng tulong maging sa mga nurse, med tech, sa ibang staff at maging ang pasyente at pamilya niya. Importanteng alam natin ang hangganan natin at ang paghingi ng tulong ay hindi nakababawas sa ating pagiging mabuting doktor dahil sa dulo, ang hangarain mo ay mapagaling ang pasyente.

PANG-ANIM NA PANGAKO – Matututo Akong Sumuko.

Ito siguro ang pinakamahirap na pangako, ang sumuko. Hindi kasi ito naituro kahit saan. Laging sinasabi sa atin na ‘huwag kang sumuko, gawin mo ang lahat!’ Pero kung nagawa mo na ang lahat, ano pa nga ba ang dapat gawin mo? Maraming doktor siguro ang iniisip na laging nakabubuti ang hindi pagsuko dahil naniniwala silang ito ang tama. Pero hindi laruan ang buhay ng tao. Minsan sa kagustuhan nating magligtas ay nagiging makasarili tayo sa buhay ng ibang tao. Hindi tayo Diyos. Ipinagdadasal ko na sana bigyan ako ng tapang para sumuko sa mga labang matagal nang natapos.

PAMPITONG PANGAKO – Hindi Ko Kalilimutan ang Mga Pangakong Ito.

Sa totoo lang, nahihiya akong isulat ang mga bagay na ito kasi masyadong ma-drama. Pero naniniwala akong kailangan ko siyang gawin dahil ang panahong ito ng buhay ko, ‘yung pinakasariwa ang isip ko bilang doktor. Pinaka-idealistic. Alam kong hindi perpekto ang sistema at mas madaling kalimutan lahat ng mga pinagsasabi ko rito pero umaasa ako na dahil naisulat ko ito, lagi akong magkakaroon ng paalala sa mga oras na mapapagod ako, sa mga oras na nauubos na ang alab sa puso ko. Sana sa pamamagitan nito ay maalala ko na minsan naging ganito ang aking pag-iisip at maibalik ko ang sa sarili sa simula. Parang isang laptop na kailangang i-restart upang gumana ulit.

 

Tok, tok.

Nandiyan na pala ang sundo ko.

“Makakapasok na po kayo, Doktora..” 11.06.2018